Literal ang ibig sabihin ng pamagat ng sanaysay na ito.
Hindi ito ang karaniwang biro ng karamihan sa atin sa tuwing makakarinig ng usapang ingles o banyaga, o kapag hindi naiintindihan ang ipinaliliwanag ng guro o ng taong kausap. Kung matatandaan ng karamihan, naging tanyag ang linyang ito nang sumikat si Inday, ang katulong na inglesera dito sa Pilipinas.
Oo, dumugo ang ilong ko.
Sa hindi ko malamang dahilan, bigla na lang tumulo ang kulay pulang mainit-init na likido mula sa aking ilong minsang ninais kong mag-singa (magpalabas ng uhog o sipon o anuman ang tawag mo dun). Inaasahan ko sanang makakita ng kulay dilaw o kaya nama’y malabnaw na sipon, ngunit dugo ang umagos mula sa aking ilong. Una, naisip ko kung sadya nga bang digital na ang mundo dahil nakalimutan na rin ng sipon ang kanyang tunay na kulay. Dahil siguro pasko kaya kulay pula ang isinuot niyang damit nang puwersahin kong ilabas sa mundo. Hindi niya alam na mabibigla ako. Hindi iyon maaari.
Agad kong tineks (shorter version ng “nagpadala ako ng sms) sa mga kaibigan na may alam sa health. Sabi nila, stress lang daw ako kaya kailangan ng pahinga. Iyong iba naman, bunga lang daw ng init ng panahon at init ng katawan. Iba-iba ang bersyon ng isa’t isa, kaya bago ako mastress sa pag-iisip kung ano ang sanhi ng paglabas ng dugo sa ilong ko at tuluyang ma-hemorhage at matuyuan ng dugo sa konsomisyon sa mga reply sa akin, tumiingala na lamang ako sa bubungan at isinandal ang aking batok sa sofa.
Nang maampat ng bahagya ang pagdugo, ipinasya kung lunukin na lamang sa pamamagitan ng ilong ang sipon o anumang likidong maaaring lumabas sa kuwebang ito sa aking harapan. Sa una’y maaaring isiping kadiri-to-death ito kaya lang nauuto ko ang aking sarili kapag naiisip ko na hindi lang ganun ang ginawa ng mga sumali sa Fear Factor ano. Hayun, wala munang singa singa.
Uminom na rin ako ng gamot laban sa stress at sinubukang mag-relaks sa kabila ng maraming gawaing nakaambang na paduguin pa ng husto ang aking ilong. Buti na lang, kwela rin ang iba kong mga kaibigan, ang sabi nila, at least napatunayan ko sa mundo na may birhen pa sa mga bahagi ng aking katawan. Patunay raw kasi ng virginity o pagkabirhen ang pagdurugo. Sosyal ‘di ba? Nagdidileryo na ako, nagawa pang magbiro. Buti na lang hindi pumulandit ang dugo mula sa aking mga pores. Kung iniisip ninyo na tama ang kanilang mga walang kuwentang rason, hala sige, hindi ko kayo pipigilang paduguin ang lahat ng bahagi ng inyong katawan. Pakamatay kayo mapatunayan lang ang kabalintunaang birhen pa kayo!
Katulad mo ngayon, ganyan na ganyan din ang kaplastikan ng ngiti ko noon para isiping masaya ako habang pinangangatawanan ang aking hindi naman kalunos lunos na kalagayan. Kontodo dala ako ng tisyu para lang makapag-emote habang idinadampi ang papel sa bunganga ng dalawang kuweba. Siguro nakaubos din ako ng isang rolyo ng tisyu hanggang matapos ang gabi.
Napatunayan ko na mahirap talagang mag-alaga ng dumudugong ilong. Nahiga akong patuloy sa pagpigil na maglabas ng anumang likido mula sa ilong sa paniniwalang baka maubusan ako ng dugo. Sa madaling salita, pinilit kong tumingala ng bahagya sa tuwing babangon sa pagkakahiga. Matapos ang limang oras na pag-aalaga sa dumudugong ilong, naisip kong hindi ko na ata kaya dahil sumasakit na rin ang aking tonsil at lalamunan. Naglaro tuloy sa isip ko na baka dumudugo na rin ang mga ito. Kahit na iisipin ng mga kaibigan ko na birhen rin ang mga ito, aba! mahirap na! baka hindi ko maampat ang pag-agos ng dugo ng tuluyan. Ngunit nagtiis pa ako ng mga ilang oras.
Sa kapipigil ko na lumabas ang dugo, nahirapan naman akong huminga. Sa puntong iyon, kinakailangan ko na talagang magpasya. Nanaisin ko bang mamatay ng walang kalaban-laban dahil sa hirap sa paghinga o makikipagsapalaran akong ilabas ang mga dugong maaaring nagnanais talagang matanaw ang mundo? Dahil naisip ko na mas wais namang aksyon na makipaglaban ng duguan kesa ibaon sa hukay nang walang kahit na isang dugong lumabas, nagpasya akong isinga ang lahat ng laman ng aking ilong. Hayun, nagtalsikan sa lababo ang aking naipong pinaghalo-halong kulangot, sipon at plema. Wala sa kanila ang may bakas ng pagkakulay-dugo!
Tama, nabuwisit talaga ako. Kung natatawa ka diyan, sana lang ‘wag dumugo ang utak mo!